top of page

Bahay at buhay ni Alyssa Valdez, ipinasilip sa 'Powerhouse'

  • jenniferpacres08
  • Mar 13, 2015
  • 3 min read

Isa na marahil si Alyssa Valdez sa pinakasikat na collegiate volleyball player sa ating bansa ngayon. Siya kasi ang nagdala sa kaniyang koponan na Ateneo Lady Eagles ng back-to-back championships sa UAAP. Nakuha rin ni Alyssa noong season 76 ng nasabing kompetisyon ang mga parangal na Best Scorer, Best Server, Season’s MVP at Finals MVP. Dahil dito, siya ang kauna-unahang babae na makapagkamit ng apat na parangal sa isang UAAP season sa kasaysayan ng volleyball sa Pilipinas

Ang payak na simula ni Alyssa Pinanganak noong June 29, 1993, sa San Juan, Batangas si Alyssa. Dito na rin siya lumaki at nanirahan sa loob ng 13 taon. Pangatlo si Alyssa at ang nag-iisang babae sa apat na magkakapatid. Ang kaniyang ama nagtatrabaho sa isang kumpanya ng kotse samantalang isang guro naman sa elementarya ang kaniyang ina. Lumaki siya sa piling ng mga kapatid na mahilig ring maglaro ng iba’t-ibang sports.

“Lahat naman ng sports nilalaro namin: basketball, badminton, volleyball, pati patintero. So kahit ano kaladkarin, ako nung bata,” kuwento niya. Grade Five si Alyssa nang maging varsity player ng kaniyang paaralan. Para sa kaniya, challenging ang sport na volleyball kaya pinasok niya ito kahit wala siyang kaalam-alam dito noon. Bata pa lamang siya, buong suporta na ang binigay sa kaniya ng kaniyang ina sa pagkawili niya sa larong ito. “‘Yung nanay ko sobrang supportive kasi dati nagvo-volleyball din po siya,” ani Alyssa. Aminado si Alyssa na hindi naging madali ang paglalaro niya ng volleyball. Pero nag-iba ang ihip ng hangin nang matutunan na niya itong mahalin. Sa pagsali sa iba’t ibang kompetisyon noong elementarya, unti-unting nahinang ang galing niya sa volleyball. Hanggang sa madiskubre siya ng isang volleyball coach ng University of Sto. Tomas na inaya siyang lumuwas ng Maynila para doon ipagpatuloy ang karera.

From Tigress to Lady Eagle Ang oportunidad na ito sa UST ang nagtulak sa kaniya upang pansamantalang lisanin ang kanilang tahanan sa Batangas at manirahan nang mag-isa. “Honestly naalala ko ‘yung hindi po ako natakot, na na-excite pa po ako,” kuwento ni Alyssa. Pagtungtong ng high school sa UST, nagmarka ang kaniyang pangalan bilang isa sa mga pinakamagaling na female volleyball player ng kaniyang eskuwelahan. Dinala niya ang España-based team sa tatlong UAAP championships, Juniors Division, at isa sa Shakey's Girls Volleyball-League. Apat na beses din siyang naging Most Valuable Player sa UAAP. Pagdating niya ng kolehiyo, kaniyang napagdesisyunan na sa Ateneo de Manila University ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral. Pero paglilinaw niya, naging maayos naman ang kaniyang pamamaalam sa unibersidad na humubog sa kaniyang galing sa paglalaro ng volleyball. “Nagpaalam po ako nang maayos. Sobrang thankful ako for them.”

- Alyssa’s rise to stardom

Sa kaniyang unang taon sa Ateneo, hindi agad nakapaglaro si Alyssa sa kaniyang team para sa UAAP. Dati kasi may umiiral na mandatory one-year residency rule. Pero makalipas ang isang taon, nagsimulang umalagwa at lumipad nang matayog si Alyssa. Sa UAAP season 76, naging team captain si Alyssa at nakamit muli ng Lady Eagles ang kampeonato sa women’s volleyball matapos ang 36 na taon. "Grabe talaga ‘yung feeling na ‘yun! Hanggang ngayon di namin ma-explain. Parang hindi nagsi-sink in na nagawa namin talaga as a team ‘yung ganoong history,” sabi ni Alyssa.

Dahil sa mga katulad ni Alyssa, bumalik ang sigla ng larong volleyball sa Pilipinas. Unti-unti na rin tayong nakikilala maging sa labas ng bansa. Hindi man daw katangkaran ang mga manlalaro natin, punong puno naman daw ng puso ang Pinoy na atleta. “(We) Filipinos talaga, we’re gonna fight. Eh kasi tayo lalaban po talaga tayo kahit anong mangyari,” pagbabahagi ng dalaga.

Nag-uumapaw na suporta mula sa fans Ang kanilang tagumpay, resulta raw ng kanilang walang patid na pag-eensayo araw-araw. Sa isang araw, naglalaan si Alyssa ng anim na oras para sa training. “Sanayan lang din po. And kailangan din po namin mag-rest well kasi we have to take care of our body. Kasi ‘yun din kasi ‘yung puhunan namin, ‘yung katawan namin.” Malaki ang nagbago sa buhay ni Alyssa simula nang makilala sa paglalaro ng volleyball. Kasabay ng pag-usbong ng kaniyang karera ang mga kaliwa’t kanang endorsements. Pero ang kasikatan daw niya sa sports na ito, utang niya sa kaniyang fans. Sa katunayan, ang kuwarto ni Alyssa ay halos mapuno na ng mga regalo mula sa kaniyang mga tagahanga. Ang kaniyang alagang aso na si Happy, bigay din ng isa sa kaniyang mga supporter. Kaya naman sa kabila ng lahat ng kaniyang parangal na nakuha, maituturing niya na ang kaniyang tunay na tropeyo ay ang kaniyang mga tagahanga na walang sawa ang pagsuporta sa kaniya.---Kimberlie Refuerzo/BMS


 
 
 

Comments


Featured Posts
Recent Posts
Archive
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Basic Square
  • Twitter Basic Square
  • Google+ Basic Square

cebu city philippines ,60000

jenniferpacres08 twitter.com

  • w-facebook
  • Twitter Clean
  • w-googleplus
bottom of page